Isipin mo nasa Araneta Coliseum ka ngayon, pinanonood ang umaatikabong labanan sa Philippine Basketball Association (PBA) sa pagitan ng Petron Blaze Boosters at Talk n’ Text Tropang Texters. Walang lumalamang ng higit sa tatlong puntos. Makapigil-hininga hindi ba?
Pero sa hinaharap, maaaring may mas nakakapigil-hininga pang karanasan diyan.
Halimbawa, may tiket ka para manood ng labanan ng dalawang kuponan. Pagpasok mo, o kaya habang inaayos mo ang sasakyang iyong minamaneho sa parking lot, sa tulong ng isang computer, malalaman ng mga taga Araneta kung ano ang huli mong ginawa noong nanood ka ng nakaraang laban ng PBA o kaya naman ang huli mong kinain habang nanonood sa Araneta. Habang ikaw ay hinahatid patungo sa tama mong upuan, makakatanggap ka ng mga text message sa dala mong Blackberry o kaya naman mensahe sa iyong iPad ng mga pagkaing puwede mong kainin o kaya mga produktong pwede mo bilhin. Sisiguraduhin ng Araneta na ang mga pagkain o produkto ay akma sa iyong panlasa at hilig. Gusto mong makita paulit-ulit ang isang maaksyong kaganapan sa larong pinanonood mo? Walang problema. Agad darating ang isang video sa iyong Blackberry o iPad ng hinihingi mong pangyayari.
Heto ang larawan ng panonood ng basketball na tinatawag sa Ingles na ultimate fan experience.*
Kung iisipin, maraming masisiyahan sa ganitong makabagong paraan ng panonood. Isipin mo, talo pa ng Araneta ang iyong ina sa pagaalaga sa iyo. Lahat ng gusto mo, ibibigay lang ng ganun-ganun na lamang, basta siyempre may pambayad ka. Sa pamamagitan ng teknolohiya, nagkakaroon ka ng impluwensiya sa kung paano mo gusto manood ng laro ng basketball. Kulang na lang ipaghele ka kung sakaling dumating ang antok habang nanonood. Pero sa isang banda, may mga aayaw sa ganitong sistema. Simple lang ang dahilan. Nanonood ka ng isang laro ng PBA sapagkat mahal mo ang laro ng basketball, at hindi dahil para punan ang mga materyal mong pangangailangan. Sa panonood ng laro, ang kasiyahan ay ang mismong laro, hindi ang mga kaakibat nitong luho. Ang purong saya na dala ng pagkapanalo ng iyong paboritong kuponan, o kaya ang walang kapantay na lungkot sa kamalasang dinanas ng pambato mo ̶ walang teknolohiya ang makakapantay sa ganitong mga emosyon.
Ako o laro?
*Sumangguni sa http://ca.sports.yahoo.com/blogs/nba-ball-dont-lie/nba-games-could-lot-more technological-personalized-fans-010634117.html;_ylt=AjUl0i25buxYRywWd7rmmya8vLYF para sa iba pang detalye.
Aldan S. Avila, Entry No. 6
No comments:
Post a Comment