Wala akong panama kay Lola Techie* sa DOTA (Defense of the Ancients).
Sa totoo lang hindi ako marunong maglaro ng DOTA. Pero alam ko kapag naglalaro ng DOTA, mas masaya kapag grupo o barkada ang naglalaro. Kung marunong lang ako at may pagkakataon, sisiguraduhin kong kukunin ko na kakampi si Lola Techie. Hindi lang masaya kalaro, mautak pa. Kaya malamang, sigurado na ang panalo. Pati mga apo niya sa kanyang bagong komersyal ay nauto niya habang naglalaro ng isang laro sa Internet. Tuloy, buong tuso niyang nabulatlat, “Huli ka boy!”
Gusto mo ba ng isang Lola Techie sa buhay mo?
Naisip ko na nakakatuwa siguro kung iyong lola ko eh mas marunong pa sa akin pagdating sa computer at Internet. Puwede ko siyang maging kaibigan sa Facebook o kaya sundan sa Twitter. Baka siya pa yung magturo sa akin kung paano gumawa ng isang website o kaya bumuo ng isang video gamit ang iba’t ibang klase ng programa sa computer. Siguro marami siyang panonoorin sa Youtube, o kaya nama’y marami siyang kanta o pelikula na hahanapin sa Torrent. Tatalunin niya siguro lahat ng apo niya sa paglalaro ng iba’t ibang online games. Hindi na siya matutulog ng maaga, kasi kailangan niyang maglaan ng oras sa gabi para gumala-gala sa Internet.
Pero sa ngayon, masaya na ako sa lola ko.
Masaya na ako sa lola ko na lumaki malapit sa dagat. Masaya na ako na nakikita siyang nakakalanghap ng simoy ng dagat at nakikihalubilo sa iba’t ibang tao. Ayos na iyong mas kabisado pa niya ang bilang ng mga anak at apo niya kaysa ang pagkakaayos ng mga letra sa keyboard ng isang computer. Panatag na ako kahit wala ng pag-asa na maturuan pa siya paano magbukas ng computer. Hindi makakaila ang kabutihan at kasiyahan ng isang lola na nakakasabay sa diskurso ng makabagong panahon ng computer at Internet. Pero sa akin, sa isang mundo kung saan bawat segundo mahalaga ang koneksyon sa iba’t ibang klaseng impormasyon at pakikipagrelasyon, na siya mismong hinahatid ng computer at Internet, walang kapalit makasama ang mga taong malayo ang kaalaman sa namamayaning kalakaran ng modernong panahon. Ang mga taong ito, tulad ng lola ko, ay may higit pang naituturo patungkol sa tunay kong pagkatao.
Huli ka boy.
*Tessie Moreno sa totoong buhay. Si Lola Techie ang karakter sa ilang komersyal sa telebisyon na bihasa, kahit matanda na, sa paggamit ng makabagong teknolohiya at computer.
Aldan S. Avila, Entry No. 5
No comments:
Post a Comment