Sunday, January 29, 2012

ROBOT*

Noong bata pa ako, isa lang hinahanap ko sa palengke o sa mall. Robot.

Tanungin mo kahit ang sinumang lalaki kung ano ang paboritong laruan niya sa pagkabata, iikot lang ang sagot niya sa kotse, baril o robot. Ang saya maglaro ng robot talaga. Ang saya galawin ng braso at binti niyang gawa sa metal habang pinalilipad sa ere at pinapapaputok ang ilang armas na nakadikit sa katawan niya. Ang saya kumalikot ng iba’t ibang parteng bumubuo sa kanyang katawan at pagpalit-palitin upang baguhin ang kayang gawin ng robot. Parang bata pa rin ako hanggang ngayon na wala pa ring palya ang pagkamangha sa kahit anong uri ng robot.

Kaya naman sobrang lupit talaga ng mga sumasali sa paligsahan ng robotics.

Kamakailan lamang ay idinaos ang 2012 National Robotics Competition sa siyudad ng San Juan sa Maynila na nilahukan ng iba’t ibang paaralan at estudyante. Gagawa ang bawat kalahok ng programa para sa kanilang mga sari-sariling robot kits at iaakma sa iba’t ibang kategorya ng paligsahan. Tatlo ang kategorya sa paligsahan: Sumobot, Line Tracing, at Prison Break. Basahin mo pa lang ang mga ito hindi mo mapigilan ang panggigigil sa kung ano ang makikita mong gagawin ng mga robot ng mga kasali. At hindi biro ang papremyo. Bukod sa salapi, ang mga mananalong grupo ay itatayo ang bandila ng Pilipinas sa 2012 International Robot Olympiad sa South Korea.

Naiisip ko, isang paraan ang robot para magtakda ng malalim na pagbabago sa pag-aaral ng Pilipinong mag-aaral.

Paano? Iabot mo ang isang robot kit sa isang musmos na paslit na naninirahan sa liblib na lugar sa malayong probinsya sa Pilipinas. Iniaabot mo sa kanya ang isang bagay na magbubukas ng walang katapusang posibilidad sa kanyang hinaharap. Isa itong libro na magtuturo sa kanya ng mga problema sa siyensya o matematika. Isa itong ID na nagpapakilala sa kanya sa iba’t ibang tao at magbibigay daan sa pagbubuo ng mga bagong relasyon at pagkakaibigan. Higit sa lahat, isa itong susi upang siya ay makalaya mula sa kapaligiran niyang hinahadlangan ang kanyang pag-usad sa pait ng buhay. Sapagkat ang edukasyon ay dapat ikinakabit sa isang bagay na walang hirap na pumupukaw sa isip at puso ng mag-aaral magpatuloy at magpursige.

Sino bang aayaw mag-aral habang nagpapagalaw ng robot?

*Iniaalay ko ito sa aking mga kaibigan sa hayskul sa UP Integrated School (UPIS) na binigyan ako ng pagkakataon tunghayan ang mundo ng robotics. Sana isinama nila ako sa International Robot Olympiad noon.

Aldan S. Avila, Entry No. 7

No comments: