Thursday, February 23, 2012

BUNTIS PALA ANG ANAK KO?!

Malamang ito ang mga katagang naibulalas ng isang ama sa estado ng Minneapolis, sa Estados Unidos.

Ang kuwento:* Galit na pumunta at nagreklamo ang amang ito sa isa sa mga pamilihang pag-aari ng Target Corporation, isa sa malalaking kumpanya ng retailing sa Amerika. Inireklamo niya ang pagpapadala ng mga produkto ng Target sa kanyang anak na babae. Ang mga produktong ito ay kataka-takang mga gamit na nararapat sa mga babaeng nagdadalang-tao. Sa huli ay humingi ng kapatawaran ang ama sa nagawang pagkilos. Iyon pala, buntis pala talaga ang kanyang anak na babae.

Paano nalaman ng Target na buntis ang anak ng amang ito? Ang bawat mamimimili sa Target ay binibigyan ng kumpanya ng sarili nilang Guest ID. Sa pamamagitan nito, ang impormasyon sa bawat pagbili ng produkto ng isang mamimimili o sa kahit anong transaksyon sa kumpanya ay naitatago ng Guest ID. Nagkataon na ang anak na babae ng bidang ama sa kuwento ay napadalas ang pagbili ng mga produktong madalas ginagamit ng isang buntis. Naging madali para sa mga computer at mga analyst sa Target mahulaan na buntis ang partikular na mamimimiling ito, kaya naman madalas na padalhan ng Target ang babae ng mga produktong tugma sa kasalukuyan niyang kalagayan ng pagbubuntis.

Sa Amerika, sa modernong panahong ngayon, ito ang bagong mukha sa pakikipagrelasyon ng isang indibidwal sa mga malalaking korporasyon. Sa pamamagitan ng mga impormasyong ibinabahagi ng mga Amerikano sa Internet, ang mga korporasyon ay maaaring magsaliksik sa mga iba’t ibang hilig at kilos ng iba’t ibang Amerikano at iakma ang programa o produkto nila sa kanila.

Ang tanong, maaari bang magdesisyon ang isang indibidwal na hindi maging bahagi ng ganitong relasyon?

Tingnan natin sa Pilipinong perspektibo. Halimbawa ang paborito mong sari-sari store o tindahan ay may Guest ID. Mahal ng mga Pilipino ang tindahan dahil praktikal mamili rito, mabilis na, malapit pa. Pero maaaring dahil sa Guest ID ay mas lalo pang lumawak ang maaabot na impluwensya ng tindahan sa buhay ng mamimimiling Pilipino. Maaaring gamitin ng tindahan ang mga personal na impormasyon makukuha nila upang lalong maging mas personal ang kanilang serbisyo sa kanilang mga paboritong parokyano. Posibleng hindi magustuhan ito ng mga mamimimili sapagkat sensitibo na ang pinakikialaman ng mga tindahan. Kung aayaw naman sila makipagtransaksyon sa mga tindahan, mawawala ang inaasam nilang praktikalidad sa pagbili. Sa huli, ang pagpipilian ay ang proteksyon laban sa pagsuway sa mga pribadong pag-aari, o kaya naman ay pagtanggap na lang ng makabagong pagbabago para hindi mawala ang nakagisnang bilis ng pamumuhay.

Darating ang panahon mas alam na ng tindahan umiibig ka na pala kaysa sa iyo. Tingnan mo nga naman!

Aldan S. Avila, Entry No. 10

No comments: