Wednesday, February 29, 2012

Nasasaktan na ang tenga ko!


Nagkaroon ng girian sa Senate Impeachment Court sina Senator-Judge Miriam Defensor Santiago at Private Prosecutor Vitaliano Aguirre matapos na takpan ni Aguirre ang kanyang dalawang tenga dahil sa diumano’y masakit na raw ang mga ito gawa ng panenermon, pangmamaliit at pagmumura ng senadora sa mga miyembro ng prosekusyon.


Nagsimula ang lahat ng punahin ni Senator-Judge Jinggoy Estrada ang pagtakip ng tenga ni Aguirre habang sinesermunan ni Santiago ang prosekusyon dulot sa ginawa nitong pag-iwan sa 5 articles of impeachment laban sa Punong Mahistrado ng Korte Suprema.


“Iyan ay kabastusan sa isang miyembro ng hukom na ito,” ayon kay Estrada.

“Alam n’yo totoo po iyon sapagkat nasasaktan na ang tenga ko!” sagot agad ni Aguirre.


Dahil dito ay agad na tumayo si Santiago na hini­ling na ipa-contempt si Aguirre dahil sa kawalan ng respeto nito sa kanya. Patuloy na nangatwiran si Aguirre na siyang nagbigay-daan upang lalong magalit si Santiago.


Ayon kay Aguire, sinadya niya ang pagtatakip ng tenga dahil sa naiirita na siya sa boses ni Santiago, bukod sa nawawalan na sila ng dignidad sa ginagawa ng senator-judge.



“Ang kuwan ko lamang po ay dapat po lamang na kahit na ang mga senador ay mga judges at kami ay mga hamak na prosecutor dito, ang pinakaimportante sa isang tao ay respeto. Kung nagde-demand ka ng respeto, dapat respetuhin mo rin itong mga abugadong ito sapagkat ‘yung human dignity wala pong katulad iyan,” pagdidiin ni Aguirre.


Sariling opinyon ko lang – kung gusto mong respetuhin ka ng kapwa mo, matuto ka ring rumespeto ng ibang tao. Simple lang naman di ba? Kung magpapakita ka ng kabutihan o kasamaan sa kapwa mo, ganoon din naman ang ibabalik nila sa iyo. Maaari namang pintasan ang prosekusyon base sa propesyunal na aspekto o lebel – ang kahandaan, kagalingan, kasipagan at/o kakayahan ng mga ito bilang miyembro ng prosekusyon. Karapatan iyon bilang isang senator-judge. Hindi inaalis ang pribilehiyong makapagbigay ng saloobin o opinyon sa kalagayan ng paglilitis – maaaring ukol sa mabagal na pag-usad ng paglilitis o di kaya ang kawalan ng preparasyon o kahusayan ng mga abogado.


Ngunit, ibang usapin naman kung gagamit ng mga salitang hindi wasto at nararapat, gaya ng pagbibtiw ng katagang "Ang yayabang magsasalita ng ganyan, gago naman." Sa tingin ko, hindi rin naman tama kung imbes ang kritisismo ay manatili lamang sa propesyunal na aspekto, aapakan pati pagkatao o dignidad ng isang tao.


Ang pagkakaroon ng mataas at mahalagang posisyon sa lipunan ay hindi nangangahulugang may lisensya ang isang nilalang na gawin anuman ang kanyang naisin at pabayaan na lang.


Kung gusto mong respetuhin ka ng kapwa mo, matuto ka ring rumespeto ng ibang tao. Respect begets respect. Period.


Sabi nila hindi raw magaling ang prosekusyon. HIndi handa. Walang ibubuga. Wala rin daw binatbat kumpara sa mga abogado ni CJ Corona. Kinakailangan raw mag-aral uli.


Sa pakiwari ko, may punto naman sila. Kailangan ngang mas magpakita ng gilas ang prosekusyon para hindi sila lamunin ng buhay ng mga nasa depensa. Ngunit, naniniwala rin ako na kung nangangailangang balikan ng prosekusyon ang kanilang Evidence class, mas higit na nangangailangang balikan ni Senador Santiago ang kanyang Legal Ethics class. Idagdag na niya ang pagbabasa ng Juan De la Cruz vs. Carretas (A.M. No. RTJ-07-2043).


Angeli I. Serapio, Entry # 11

1 comment:

Angeli I. Serapio said...

https://www.facebook.com/WeSupportAttyVitalianoAquirre?sk=wall

- may fan page na si Atty. Vitaliano Aquirre