Sunday, February 5, 2012

KAYA MO BANG GUMUHIT NG MUKHA NG IBANG TAO?

Ako oo.

Sa totoo hindi talaga. Ang mukha na kaya ko lang iguhit ay mukha ng isang karakter sa cartoons o sa anime. May edad ako noon na paborito ko iguhit na mukha ay ang lumalagblab na mukha ni Son Goku ng Dragon Ball Z habang siya ay isang super saiyan.* Mayroong edad na naman na gusto ko iguhit yung iba’t ibang karakter sa sikat na komiks ni Pol Medina Jr. na Pugad Baboy. Hindi ko pa nasubukan gumuhit ng mukha ng isang tunay na tao bilang modelo. Mahirap na makasira ng masayang (o planong) pagkakaibigan.

Kaya naman hahanga ka rin talaga sa galing ng mga pulis ng kayang gumuhit ng mukha ng mga masasamang loob base lamang sa paglalarawan ng isang biktima. Kung ako siguro iyon tatawanan lang ng biktima ang iginuhit ko, o kaya nama’y susumpain niya ako sa kinalabasang larawang gawa ko.

Pero para sa iilang mag-aaral ng St. Louis University (SLU) sa siyudad ng Baguio, mas magaling pa ang kanilang binuong iSketch sa kayang iguhit ng mga pulis.

Ang iSketch ay ang makabagong uri ng tinatawag sa Ingles na facial composite-illustration system** na ibang-iba sa kasalukuyang sistema at teknolohiya na Facefit ng Philippine National Police (PNP). Heto ang ilang kahanga-hangang aspeto ng proyektong ito ng mga taga-SLU:


  • Basta may koneksyon sa Internet si Manong Pulis, maaari niyang magamit ang iSketch (Hindi mo nga naman pwede gamitin ang Google para hanapin ang iba’t ibang mukha na naiguhit na ng mga pulis!)

  • Mas maraming bahagi ng pangangatawan ng tao na pwede pagpilian ng isang testigo sa paglalarawan (Siguro kung sa PNP mga 50 bigote lang, sa iSketch mga 1000!)

  • Mas maraming koleksyon ng mga naiguhit nang potensyal na pagmumukha (Sabi ng mga taga-SLU ay 700 lang ang kaya ng Facefit. Ang tanong eh saan kinukuha ang gaanong karaming mukha?!)

Balak ng mga estudyante sa likod ng proyektong ito ialok ang paggamit ng sistema sa PNP sa buwan ng Abril. Dapat siguro bigyang pansin ng kapulisan ang makabagong proyekto ito at pag-isipan kung mas malaki ang benepisyo nito sa kampanya nila laban sa krimen kumpara sa kasalukuyan nilang teknolohiya. Nanalo lang naman ang iSketch bilang pinakamagaling na proyekto sa 2012 Bank of the Philippine Islands-Department of Science and Technology (BPI-DOST) Science Awards. Nag-uwi ang mga taga-SLU ng tumataginting na P50,000 at scholarship mula sa DOST.***

Baka naman dahil sa iSketch, mag-ala Pixar animator ang mga pulis natin!

*Tumigil ako nung makita ko ang aking kapitbahay na gumuhit at kinulayan pa (!) ang isang napakagandang obra niyang Son Goku.

**Matatandaan na inanunsyo ng PNP sa publiko na hindi na tatawaging cartographic sketch kung hindi facial composite sketch ang mga ginuhit nilang mukha ng mga pinaghihinalaang criminal. Iyon pala, ang cartography ay ang siyensya o pag-aaral ng pagguhit ng mapa. Biro mo yun, ilang dekada na pala gumuguhit ng mapa ang kapulisan.

***Sumangguni sa http://technology.inquirer.net/7965/with-isketch-students-help-crime-probers para sa iba pang mga nanalo.

Aldan S. Avila, Entry No. 8

No comments: